Pusong Walang Kasing Wagas:
Bro. Lito dela Cruz (1954–2010)Ating kilalanin si Bro. Luisito “Lito” dela Cruz na minsan dumaan at namalagi sa ating parokya at nag-iwan ng makabuluhang bakas. Ipinanganak sa Paltok si Bro. Lito noong ika-4 ng Oktubre 1954. Taos-puso siyang nagsilbi sa ating parokya sa loob ng kanyang pagiging kasapi, mula 1988–2010, sa Marriage Encounter (ME) Prayer Community una bilang miyembro, tapos Head Servant, at sa huli’y kabilang sa Council of Elders. Naging isang lay minister din siya noong 2005. Habang subsob sa trabaho niya bilang sales rep sa Noche Chan, nagbuhos din siya ng panahon sa pagtulong sa “Day Care Center,” pagbigay ng dugo sa Red Cross, at pagbihis ala Sta. Claus tuwing Pasko upang mamigay ng mga regalo sa mga maralitang kabataan.
Mula noong 1988 nagsimula ang kanyang kalbaryo sa sakit na diabetes, na humantong sa pagkakaputol ng isang binti. Sa kabila ng diabetes at mga kumplikasyon nito, ibinuhos niya ang buo niyang lakas sa paglingkod sa simbahan. Tunay siyang naging haligi ng parokya, at namuno sa pamamagitan ng pagiging huwaran mismo ng kasipagan, kababaang-loob. Pumanaw siya noong 21 Setyembre 2010 sa edad na 56. Saksi ang ilang mga mahahalagang tao sa buhay ni Bro. Lito, na aking nakapanayam, sa pag-alay niya ng kanyang pusong walang kasing wagas. Narito ang ilang sa mga ikinuwento nila mismo:
Marina dela Cruz, maybahay, kasapi sa ME at Ministry of Lectors and Commentators. Mag-asawa kami sa loob ng 38 na taon. Maalalahanin siya, mapagkalinga, at totoo. Masayahin at mahusay makihalubilo sa iba’t ibang tao. Bukas siya kahit na sa pag-amin niya ng kanyang mga kahinaan. Sabay kami laging dumalo at makilahok sa mga seminar at prayer meeting ng ME. Simula noong 2000, magkasama kaming nagbigay ng mga panayam sa ME sa ROLP at mga ibang lugar gaya ng Antipolo, Taytay, at Tagaytay. Kapag hindi kami nagkakauunawaan, nag-uusap kami nang masinsinan o kaya’y dinadaan niya sa mga liham-pag-ibig, na hanggang ngayo’y itinatago ko pa. Marami akong natuklasan tungkol sa aking sarili dahil sa mga naipamulat niya sa akin. Kung dati lagi ako mahiyain, natuto akong humarap sa tao at magbigay din ng panayam. Bagama’t hindi naging perpekto ang aming buhay-mag-asawa, hindi siya nagkulang sa pagpatibay ng aming pagsasama, pagtaguyod ng aming mga anak na sina Marie at Louie, at pati pag-aalaga sa mga apo naming sina Timothy, Christian, Louise France, at Geraldine. Kahit noong lumubha ang kanyang mga sakit, at naghirap siya dito sa loob ng halos 23 na taon, hindi niya sinumbatan ang Diyos. Sa halip lalo pang tumaimtim ang pananalig niya sa Diyos.
Marie dela Cruz, panganay na anak. Pinalaki niya kami nang maayos, upang maging masipag at disiplinado. Sinigurado niyang makapagtapos kaming pareho ng kapatid ko. Napaka “hands-on” niya. Pagkagising sa amin tuwing umaga, bago pa sumikat ang araw, agad na niya kaming pinaglilinis, pinagdidilig ng mga halaman, atbp. Lagi niya kaming tinutulungan sa aming mga gawaing pampaaralan, sa pagluluto, pagkukumpuni ng mga nasirang laruan, paggawa ng science project, pati pagbalot ng mga regalo tuwing Pasko. Kapag hindi sila makauwi ni Nanay dahil nagbibigay sila ng mga ME seminar sa malalayong lugar, tatawag siya para tiyaking nakakain na kami’t ligtas sa panganib. Matulungin siya sa mga kaibigan niya’t mga anak nila. Binibigyan niya ang mga batang kahit hindi niya kaanu-ano ng perang pambaon at gamit sa iskul mula sa kaunting perang naipon niya sa kanyang alkansya. Kapag may pumupunta sa bahay para humingi ng payo, kahit na gabing-gabi na, pilit pa niyang ihahanda ang kanyang binti’t sapatos at bababa mula sa ika-2 palapag ng bahay para kausapin niya.
Louie de la Cruz, bunsong anak. Batang-bata pa lang ako iminulat na niya ako sa halaga ng paglilingkod sa simbahan nang pinasali niya ako bilang isa sa mga “altar servers” noong kura paroko si Fr. Merin. Masipag siyang maghanap-buhay. Idolo ko si Tatay sa buhay ko, lalo na sa istilo ng pananamit at paraan niya ng pakikihalubilo sa iba’t ibang tao.
Edgardo Zamora, kapwa-ME, Kagawad ng Barangay Paltok. Malaki ang naitulong ni Lito sa pagpapalapit niya sa akin sa simbahan sa pamamagitan ng kanyang pagpapastol (shepherding). Nang di na ako gaanong makasipot saME prayer meeting, hinikayat niya akong maging aktibo uli sa ME. Ibang klase din siyang manghikayat: matiyaga sa pagpapaalala. Sumama siya sa aming inuman tuwing Lunes at Miyerkules sa kondisyong sasama naman ako sa kanya sa prayer meeting ng ME tuwing Huwebes. Susunduin pa niya ako sa bahay para sabay kaming pumunta sa simbahan. Kapag wala ako sa prayer meeting, kinabukasan tatanungin niya ako kung bakit. Pagkaraan ng halus isang taon ng ganyang sistema, ako ang nahikayat niyang maging aktibo uli sa ME at magsimba, sa halip na siya ang malulon sa inuman. Dahil maka-Diyos siya, mataas ang tingin at paggalang sa kanya ng mga taga ME at noong kasapi siya sa Lupong Tagapamayapa ng Barangay.
Rom Garcia, kaibigan. Magkakilala kami ni Lito mula pa noong pareho kaming nasa Grade 1; para na kaming magkapatid. Siya ang tumulong sa aking makapasok sa trabaho bilang ahente sa isang kumpanyang nagbebenta ng mga damit at laruan. Pagkatapos niya akong ipakilala sa may-ari ng kumpanya, hindi siya nagpakita sa akin ng ilang araw. Akala ko pinabayaan na niya ako. Pero anya, “iniwan na kita para mag-isa mong matutunan ang mga pasikut-sikot ng trabaho, nang sa huli’y maipagmalaki mo na nagawa mo yung mag-isa at di dahil sa tulong ng kaibigan mo.” Hindi lagi nagkapareho ang aming mga pananaw sa buhay at pananampalataya. Hindi niya ako pinilit na sumali sa ME at magsimba. Naintindihan niya na iba’t iba naman ang paraan natin ng pananampalataya. Ganoon pa man, hindi pa rin niya ako pinabayaan. Kahit nung maysakit siya, hindi siya nagmaramot. Duda akong magkakaroon pa ako ng isang kaibigang katulad niya.
May awit sa misa na paborito daw banggitin ni Bro. Lito sa kanyang mga panayam, ang “Pag-aalay ng Puso” nina Joe Nero at Nemy Que, S.J. Ang mga sumusunod na titik nito ay higit na naglalarawan ng kanyang maikli nguni’t makahulugang buhay:
Minsan lamang ako daraan sa daigdig na ito,
Kaya anuman ang mabuting maa’ring gawin ko ngayon,
O anumang kabutihan ang maari kong ipadama
Itulot ninyong magawa ko ngayon ang mga bagay na ‘to.
Sa lahat ng mga tumawag sa kanya bilang “Tatay,” “Kuya,” “Pareng,” o “Tito” Lito—mga kabataang tinuruan niyang lumaki sa mabuting asal, mga mag-asawang pinayuhan niya upang magkasundo muli, mga naghihikahos na binahaginan niya ng biyaya—naging wagas si Bro. Lito sa kabutihang kanyang ipinadama, sa abot ng kanyang lakas, sa kabila ng paghihina ng kanyang katawan.
Tunay ngang isang napakagandang handog ng Diyos si Bro. Lito sa kanyang pamilya, sa ROLP, sa Paltok, at sa daigdig. Hindi sapat ang naisulat dito para mailahad ang yaman ng kanyang pagkatao, ang lalim ng kanyang pananampalataya, at ang layo ng inabot ng kanyang kagandahang loob. Bro. Lito, saan ka man naroroon, hindi ka namin kailanman malilimutan. - ni Angelli F. Tugado