Monday, October 19, 2009

KILALANIN NATIN SILA

nina Rhea Jomadiao at Angeline Papa

GUEST PRIEST

Narinig Na ba ninyo ang pangalang Fr. Noi? Nakadalo na ba kayo sa misa na siya ang namuno? Siya si Fr. Aniceto Ampoyas Paciente III, ang ating bagong resident guest priest.

Siya ay pangatlo sa limang anak nina Antonio at Anita Ampoyas Paciente; ipinanganak noong Enero 28, 1971. Nag-aaral siya sa Malaya Elementary School at Notre Dame of Surala. Kumuha siya ng Pilosopiya sa Seminaryo Mayor Recoleto sa Baguio City at nagpatuloy ng pag-aaral ng Theology sa Seminaryo ng St. Vincent. Naordinahan siya bilang pari noong 11 Nobyembre 2001 at unang naglingkod bilang pari sa isa sa mga parokya ng Carcar, Cebu. Nalipat siya sa Diyosesis ng Cubao noong 17 Hulyo 2008 at naglingkod sa Transfiguration Parish, sa Cubao at sa St. Paul the Apostle Parish sa Timog. At noong ika-21 ng Hulyo, pormal siyang nagsimula ng paglilingkod sa ating parokya bilang resident guest priest.

Hilig ni Fr. Noi ang magbasa at manood ng paborito niyang sports, ang basketball. Bilang pari, masaya siya na nakakapagpangaral, nakapagbibigay ng tulong pang-ispiritwal at sakramento, at nagiging instrumento ng Diyos. Napansin niya na ang mga tao sa ating parokya ay aktibo at may pagmamahal sa simbahan. “Sana ay lumalim pa ang inyong pananampalataya, pagkilala, pagpapahalaga at pagmamahal sa ating Diyos”, ang mensahe niya sa mga taga-Paltok.


PARISH SECRETARY
Ang bagong sekretarya ng ating parokya ngayon ay si Ma. Venus Demeterio-Lapera. Siya ay naninirahan sa Commonwealth, Quezon City. Nag-aral siya ng elementarya at sekundarya sa Paaralan ng Bagong Silangan at nagtapos ng B.S. Computer Science sa Asian College of Science & Technology sa Quezon City. Magdiriwang siya ng kanyang kaarawan sa darating na December 12.

Siya ang humalili sa ating dating parish secretary na si Ms. Lalaine Ferniz na naninirahan na ngayon sa probinsya.

PPCRV CORNER (PARISH PASTORAL COUNCIL FOR RESPONSIBLE VOTING)

Eleksyon na! oras na para makialam!

ORAS na para makialam! oras na para manindigan! Maraming nagsasabi, “Bakit pa boboto, parepareho naman ang mga kandidato. Mangangako pero mapapako. gagamitin lang ang taxes ng mga Pilipino para magpayaman. Wala nang pag-asa”. Pero hindi totoong wala nang pag-asa. Meron, kung makikialam ka. Meron, kung maninindigan ka at magiging instrumento ng pagbabago. May pag-asa kung gagamitin mo ang iyong boto sa mabuting paraan.

Huwag tayong magpadala sa sinasabi ng iba na “walang mangyayari diyan”. isipin mo na lang kung ganon tayong lahat mag-isip! Talagang walang mangyayari! Pero sa totoo lang, ang bawat boto ay makapangyarihan. Kaya nitong baguhin ang isang bansa. isipin mo na lang kung 50 milyong botong may paninindigan ang magsama-sama, ayos na ang Pilipinas. Di nga ba, kaya binibili ito ng mga corrupt na kandidato? Ang mga ganitong mandarayang kandidato ang mga hindi dapat iboto dahil umpisa pa lang, sila ay mga kaaway na ng bayan. Huwag na huwag mong ibenta ang boto mo. Para mo na ring binenta ang kaluluwa mo. Pero meron kang integridad at paninidigan, di ba? Sabihin mo at maniwala ka, ibang klaseng Pilipino ako. Isang Pilipinong hindi ipagbibili ang kinabukasan ng aking bansa, at ang kinabukasan ng aking pamilya. isang Pilipino na marunong makialam sa isang mahalagang pagdedesisyon ng buong sambayanan. isang Pilipinong may pag-asa, may paniniwala na hindi pa huli ang lahat para sa Pilipinas. Kaya nating bumangon, kaya nating magbago kung gugustuhin natin.

Gaano ba talaga kahalaga ang iyong boto? Hindi lang ito obligasyon bilang isang Pilipino, at hindi ito “pakiki-uso.” Hindi lang ito pagreregister, pagpila sa voting centers, lapis at papel, indelible ink sa daliri. Ang boto mo ay boses mo. ito ay pagkakataong patunayan sa sarili na may karapatan kang magsalita, mag-isip at pumili nang maayos. Ang boto mo ay pagkatao mo. Ang boto mo ay dangal at lakas mo na pantay kahit kanino. isang tao, isang boto! At kung lahat tayo ay boboto, maipaparating natin ang saloobin ng nakakaraming Pilipino, ang majority.

Hindi lahat ng mga kandidato corrupt. Hindi lahat makasarili. Hindi lahat mandaraya. May mga kandidato pa ring mabuti. May mga kandidato pa ring sumusunod sa Diyos. At may paraan para malaman mo kung sinu-sino sila. Suriing mabuti ang kanilang mga plataporma, at ang kanilang mga track record. Pag-aralan kung talaga bang binibigyan nila ng halaga ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. Maliban dito, mababasa rin sa Biblia ang mga katangiang gagabay sa iyo sa pagpili ng matuwid at matapat na kandidato na iyong iboboto sa eleksyon 2010.

Source: Sino ang dapat Iboto sa Eleksyon 2010, PPCRV Flyer