-Justine Angsantos
---
Dear Justine,
Maganda ang tanong mo Justine. Hindi ba ang isang tao kung mayroong kabutihang nagagawa sa kanyang buhay at para sa kapwa ay kadalasan binibigyan ng tawag? Halimbawa: si Cory Aquino—ang ina ng demokrasya; si Manny Pacquiao—ang pambansang kamao; si Lorenzo Ruiz—ang unang santong martir ng Pilipinas; at marami pang iba. Gayundin naman kay Mama Mary, marami ang tawag o taguri sa kanya dahil sa kanyang matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Ang mga taguring ito ang nagpapakita na malapit si Maria sa atin. Laging kasama si Mama Mary sa paglalakbay ng bayan ng Diyos, pang-araw-araw na buhayng mga pamilya, pagsubok, at sa ating mga pangangailangan. Ngunit dapat din nating tandaan: bilang katuruan ng Simbahang Katoliko, na ang lahat niyang taguri ay tumutukoy lamang sa iisang tao—kay Birhang Maria—at walang kompetisyon sa iba’t ibang tawag sa kanya. Lahat ng ito ay pantay-pantay lamang ang turing. Ang mga ito ay patunay lamang na may malapit na kaugnayan si Maria sa buhay natin.
Bigyan kita, Justine, ng ilang mga tawag kay Mama Mary (sanggunian: ang librong “...at naroon ang Ina...” pag-aaral tungkol sa Mahal na Birhen ni Msgr. Leandro N. Castro):
Bilang pribilehiyo
- Ina ng Diyos (Mother of God)
- Ipinaglihing walang sala (Immaculate Conception)
- Birhen (Virgin)
- Iniakyat sa Langit (Assumption)
Mga piling titulo ni Mama Mary
- Reyna ng Mundo
- Reyna ng Kabanal-banalang Rosaryo
- Reyna ng mga Apostol
- Ina ng Laging Saklolo
- Ina ng Mabuting Kahatulan
- Inang Nagdadalamhati
- Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo
- Our Lady of the Rule
- Mary, Help of Christians
Ilang mga debosyon kay Maria sa Pilipinas
- Mahal na Birhen ng Antipolo
- Mahal na Birhen ng Manaoag
- Mahal na Birhen ng Peñafrancia
- Reyna ng Kapayapaan
- Reyna ng mga Bulaklak
- Guadalupe
- Rue du Bac (Mapaghimalang Medalya)
- Lourdes
- Fatima
Sana nakatulong sa iyo, Justine, ang sagot kong ito sa iyong katanungan. Alam mo ba na ang pinakamahalag sa lahat ng sinabi ko sa iyo, ay tayo bilang mga katoliko ay magkaroon nawa ng malalim na debosyon kay Mama Mary. Samahan mo pa ito ng pagmamahal at pagtutulad sa kanyang mga mabuting pamumuhay, siguradong nasa mabuti kang landas. Sino ba namang mabuting ina ang magtuturo sa kanyang anak ng masamang bagay, wala di ba?
Ipagdasal at gabayan ka nawang lagi at ang bansang Pilipinas ni Mama Mary tulad ng ginawa niya kay Hesus.
Fr. Ronald