ni Joy dela Cruz-Dagun
Kilala ang Resurrection of Our Lord Parish sa dami ng mga laykong naglilingkod dito na patuloy na nagsisilbi at nagbabahagi ng kanilang panahon, talento, at kayamanan sa simbahan.
Madaling maglingkod, subalit hindi laging madaling manatiling naglilingkod. Ang lalim o babaw ng udyok maglingkod ay depende sa mga motibo ng taong naglilingkod. Kung ang mga motibo ng paglilingkod ay pawang panlabas lamang, tulad ng pagiging sikat, pagkakaroon ng matatakbuhan sa panahon ng matinding pangangailangan, o pagkukuhanan ng tsismis, marahil kapag nawala ang mga ito, maglalaho rin ang pagnanais na maglingkod.
Ang tanong ay, saan hinuhugot ng tao ang lakas upang maging tunay ang paglilingkod sa kabila ng lahat? Hindi kaya sa mga motibong panloob na nagmumula sa puso at isip na naliliwanagan ng pananampalataya sa Diyos?
Ang taong naglilingkod sa Diyos ay nakauunawa na ang lahat ng mga biyaya rito sa mundo ay galing sa Diyos at dapat lamang na ibalik ito sa kanya, nang buo o kahit kapiraso man lamang. Ang tunay na paglilingkod ay nagmumula sa puso at lalong hindi nanghihingi ng anumang kapalit. Oo nga’t may nagsasabi na minsan may mga biyayang dumarating kapag sila ay naglilingkod, tulad na lamang ng biglang pagdating ng tulong pinansyal sa panahong kailangang-kailangan ito. Subalit sa taong naglilingkod nang tapat, ang ganitong mga biyaya ay ipinagkakaloob ng Diyos nang dahil sa kanyang karunungan ay nalalaman Niya ang mga pangangailangan ng isang tao kahit hindi ito sabihin sa Kanya. Kung kaya, hinding-hindi niya masasabi na ang ganitong mga biyaya ay kapalit ng kanyang mga gawaing paglilingkod.
Kung ang paglilingkod ay taos sa puso, ito ay nagdudulot ng kakaibang kakuntentuhan at kasiyahang hindi mapapantayan ng anumang materyal na bagay o pagkilala. Ito ay kusang-loob at hindi sapilitan. Mapansin man o hindi ang ginawa ay balewala sa kanya sapagkat sa simula pa lamang ay wala siyang hinihinging kapalit.
Nasasaad sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Filipos ang ukol sa halimbawang iniwan ni Kristo—“Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapa-kanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili.” (Taga-Filipos 2:3-4)
Ngunit mas kaiga-igaya kung sa bawat paglilingkod na gagawin ay si Maria—ang ina ng ating Panginoong Hesukristo—ang gagawing huwaran. Isinantabi ni Maria ang pansariling kaligayahan nang sumang-ayon siya sa plano ng Diyos. Hindi niya inisip ang posibleng kahinatnan ng pagsang-ayon na ito: ang mapahiya dahil siya’y magdadalang-tao nang hindi pa ikinakasal sa kasintahang si Jose, at ang matanggihan ni Jose mismo. Hindi niya inisip ang kanyang sarili sapagkat matatag ang paniniwala at pananampalataya niya sa Diyos. Siya ang pinakahuwaran natin sa pananampalataya sa Diyos. Hindi man niya nakikita, sumang-ayon na siya sa Diyos nang sabihin ng anghel sa kanya ang dakilang plano ng Diyos. Siya ang nagpakita ng isang matatag at hindi matitinag na pananampalataya sa Diyos. Isa na ang nangyari noong tinanggap niyang maging ina ng Diyos, ngunit hindi ba’t mas matibay din na pananampalataya ang ipinamalas niya sa paanan ng krus noong si Hesus ay ipako at namatay dito upang tubusin ang sanlibutan? Sa kabila ng maraming pagsubok na ito, si Maria ay hindi natinag sa kanyang paglilingkod sa Diyos. At tumugon nga siya matapos marinig ang plano ng Diyos, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” (Lucas 1:38).
Tulad ng halimbawa ni Maria, ang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos ay hindi dapat nawawala sa isang taong naglilingkod. Kung wala ito, ang paglilingkod ay itinuturing na pakitang-gilas lamang. Kung ang paglilingkod ay hindi nagbubukal sa pag-ibig ng Diyos, ito ay walang saysay at madaling maglaho. Ngayong taon ng mga layko, hinihikayat tayong maging mas matapang pa sa pagtatanggol ng ating pananampalataya. Ngayon, higit kailanman kailangan ng mga taong maglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng serbisyo sa simbahan.
Masayang maglingkod, masarap sa pakiramdam ang malaman mong nakatulong ka at napabuti ang isang bagay o isang tao. Masayang maglingkod, kung ang mga dapat gawin ay pagtutulungang tapusin ng mga taong hindi ini-isip ang sarili. Masaya maglingkod, kung sa dulo naman ay maiisip mong ang Diyos—ang iyong tagapaglikha ang iyong pinaglilingkuran. Masayang maglingkod, kung sa huli, malalaman mong nagawa mo ang layunin ng Panginoon kung bakit ka nilikha. Masayang maglingkod, lalo nang kung ang paglilingkod ay bukas-palad at puno ng pagmamahal sa Diyos.
Sinabi ng Panginoon: “Sagana ang anihin, ngunit ka kaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.” (Mateo 9:37-38)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment