Tuesday, June 2, 2009

May Flower Devotion nasa Kawan na!

nina Rhea Jomadiao & Tess Barro


Inilunsad na ang “May Flower Devotion sa Kawan” noong Mayo 2 kung saan sabay-sabay na nagdasal ng rosaryo ang mga bata mula sa iba’t-ibang kawan at ginanap din ang pagbabasbas ng iba’t ibang imahe ng Inang Maria na ginagamit sa Pagdalaw ni Maria sa Pamilya o Block Rosary ng LOM at MSK. Opisyal naman itong sinimulan sa bawat kawan noong Mayo 4. Araw-araw itong ginaganap mula 2:30 hanggang 5:00 ng hapon. Pagdating naman ng Sabado, ang lahat ng bata mula sa iba’t ibang kawan ay nagtitipon sa loob ng simbahan upang mag-rosaryo at manood ng video ng kwentong may aral. Tuwing Linggo, ang mga bata ay hinihikayat na magsimba sa ika-4:00 ng hapon.

Ang May Flower Devotion ay ginaganap na sa ating simbahan taun-taon, layunin nito na mapalapit ang mga bata sa Mahal na Birheng Maria. Ang mga bata ay tinuturuan ng iba’t ibang aralin ukol sa misteryo ng Santo Rosaryo at nag-aalay ng bulaklak o kaya naman ay sulat na naglalaman ng kahilingan o nangangako kay Mama Mary na mag-aaral mabuti o tutulong kay Nanay sa paglilinis ng bahay habang bakasyon. Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon ito ay isinasagawa ng ating parokya ng sabay-sabay sa siyam na kawan. Ito ay bilang pagtugon ng ating parokya sa unang “priority agenda” ng Diyosesis ng Cubao— ang Pagpapalakas ng Parokya sa pamamagitan ng aktibong Basic Ecclesial Communities o mas kilala sa atin bilang Munting Simbahang Kapitbahayan.

Hindi naging madali ang naging pagpapatupad ng gawaing ito, ilang pagpupulong din ang isinagawa upang mapag-isipan at planuhin kung paano ito gagawin sa bawat kawan. Una ay naghanap ng mga student catechists at nagkaroon ng seminar noong Abril 18 at 25, at demo naman noong Abril 27 at 30 sa pangunguna ng Formation Ministry kasama ang LOM sa pakikipagtulungan ng MSK at MPS.

Dahil dito sa gawaing ito, ipinatupad ni Fr. Ronald ang “adopt-a-kawan” kung saan ang mga organisasyon ay namili mula sa siyam na kawan kung sino ang susuportahan nila. Ang mga miyembro ng organisasyon ng ating simbahan ay nagbibigay ng tulong pinansyal para sa pagkain at gamit ng mga bata at tumutulong din sila sa pag-aasikaso ng aktibidad na ito. Malaki ring bahagi nito ay ang mga kawan leaders na siyang gumaganap na tagapag-ugnay ng kawan, organisasyon at ng Formation Ministry. Sila rin ang masigasig na naghanap ng lugar sa kanilang kawan na pagdadausan ng nasabing gawain. Tumulong din ang ilang mga residente ng kada kawan sa ginaganap na pagpapakain sa mga bata bawat araw. Malaking tulong din ang Sunday Second Collection simula May 3-17.

Noong nakaraang taon, umaabot sa 80 bata ang nag-aalay kay Maria bawat araw sa simbahan. Ngunit ngayon, umabot na ito sa mahigit 200 bata kada araw ang natuturuan ng mga inihandang aralin at nakakapag-alay sa Inang Maria.

Ang ganitong gawain ay patuloy na isasagawa upang patuloy na magkaroon ang mga kabataan ng paghuhubog espiritwalidad at makatupad sa hamon na pagpapanibago ng ating simbahan.

No comments: