Kinikilala nating mga Katoliko ang Birheng Maria bilang Ina ni Hesukristo, o Ina ng Diyos. Naganap ang pagka-ina ng Birheng Maria sa pamamagitan ng pag-oo niya sa tawag ng Panginoon na dalhin sa Kanyang sinapupunan si Hesukristo, ang Diyos na nagkatawang-tao upang maganap ang pagliligtas ng tao.
Ang Simbahan naman ay ang kalipunan ng lahat ng mga naniniwala kay Kristo. Itinatag ni Kristo ang Simbahan na siyang nagsisilbing sakramento o simbolo ng Kanyang presensya sa daigdig. Ang Simbahan ay kinikilala rin bilang katawan ni Kristo.
Sapagkat ang Birheng Maria ay Ina ni Kristo, at ang Simbahan ay katawan ni Kristo, malinaw na si Maria ay tunay na Ina ng Simbahan. Kaya’t ganoon na lamang ang paggalang at pagbibigay-pugay ng Simbahan sa Mahal na Birhen. Marami tayong tawag sa kanya, at ito ay nagpapakita ng ating pagpapahalaga sa kanya.
Ang pagtawag kay Maria bilang Ina ng Simbahan ay nasasaad sa mga kwento sa Bagong Tipan, dahil sa matinding pagkakaugnay ni Maria sa gawaing pagliligtas ni Kristo. Pumayag siya na maging ina ni Kristo upang maipangyari ang pagliligtas ni Kristo sa sangkatauhan. Ang sukdulang pagmamalasakit na ito ay higit niyang naipamalas nang mapako si Kristo sa krus. Sinamahan niya si Hesus sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Sa pagbigkas ni Hesus kay Maria ng mga katagang “Babae, narito ang iyong anak,” ipinahayag ni Hesus ang pagka-ina ni Maria hindi lamang kay Apostol Juan, kundi pati rin sa lahat ng mga disipulo. Sa pag-akyat ng Mahal na Birhen sa langit, ipinakita ang kanyang pakikiisa sa muling pagkabuhay ni Kristo, at hangad din ng lahat ng mga nananampalataya.
Ang Santo Papa Pablo VI ang nagbigay ng tawag kay Maria bilang Ina ng Simbahan. Ipinahahayag ng katawagang ito ang damdaming Kristiyano, na kumikilala kay Maria hindi lamang bilang Ina ng Diyos, bagkus bilang sarili nating ina. Siya rin ay kinikilala bilang ina ng kaligtasan, ng buhay at pagpapala.
ni Maui Salang
Mga Sanggunian:
“Blessed Virgin is Mother of the Church.” Eternal Word Television Network, Global Catholic Network. 24 Sept. 1997; 6 Sept. 2009. Online, http://www.ewtn.com/library/papaldoc/jp2bvm63.htm.
“Catechism of the Catholic Church - Mary - Mother of Christ, Mother of the Church.” Vatican: the Holy See. 6 Sep. 2009 . Online, http://www.made-inbet.net/archive/catechism/p123a9p6.htm.
Maas, Anthony. “Catholic Encyclopedia: The Blessed Virgin Mary.” NEW ADVENT : Home. 6 Sept. 2009. Online, http://www.newadvent.org/cathen/15464b.htm.
Morse, Kathryn. “Mary, Mother of the Church Suite101.com.” Suite101.com: Online Magazine and Writers’ Network Suite101.com. 27 Feb. 1998; 6 Sept. 2009 . Online, http://www.suite101.com/article.cfm/catholic_christianity/5708.
Friday, December 4, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Hi! I was actually looking for an article I have written on gardening, and I found your reference to my article on Mary.
I feel honored that you referenced my work.
I am glad to be a part of your lives!
Post a Comment