Friday, December 4, 2009

EDITORYAL

Ang Media, ang Sinag at si Maria

Hindi na lingid sa ating kaalaman na isa ang “media for evangelization” sa priority agenda ng ating diyosesis--ang Diyosesis ng Cubao. Mapalad ang ating parokya dahil ‘di pa man nailulunsad ang nasabing priority agenda, mayroon nang grupong naitatag ang ating kura parokong si Fr. Ronald upang magtaguyod at tumutok para sa layuning ito. Ito ay ang Multimedia Advocates for Creative Evangelization o MACE na bahagi ng Formation Ministry. At isa nga sa mga responsibilidad ng grupong ito ay ang paglalathala ng Sinag Resureksyon, ang opisyal na pahayagan ng ating parokya.

Sa pagsulong nga ng panahon, patuloy ang pangangailangan ng mga tao ng ebanghelisasyon, kaya naman wala ring tigil ang pangangailangan para sa makabagong pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Kaya nga matagal-tagal na ring naging bahagi ang Sinag Resureksyon ng ating parokya ngunit ito ay binabago-bago lang bilang pagsabay sa mabilis na takbo ng panahon. Hindi tumitigil ang Sinag Resureksyon Staff na mapaganda pa ito at magkaroon ng mga makabuluhang artikulo na maaaring mabasa ng ating mga parokyano. Ang Sinag ay nagsisilbing isa sa mga paraan upang magkaroon ng komunikasyon ang mga tao sa buong komunidad ng ROLP. Binibigyang oportunidad ng pahayagang ito na mapalawak ang kaalaman tungkol sa ating simbahan, sa ating pananampalataya at higit sa lahat tungkol sa ating Diyos. Ang Sinag Staff o ang kabuuan ng MACE ay naniniwalang hindi dapat nating ipagkait sa mga mananampalatayang katoliko ang pagkakataong malaman ang mga nangyayari sa loob at labas ng ating parokya. Marapat lang na ipaalam sa kanila na ang ating parokya o ang buong simbahang Katolika ay hindi tumitigil sa pagkilos sa pagpapalapit ng Diyos sa mga tao.

Ngunit hindi lamang ang MACE, Sinag Staff at Formation Ministry ang may responsibilidad sa tumulong sa mga pari at madre sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang bawat isa sa atin ay dapat lang ipalaganap ito. At isa si Birheng Maria na maari nating gawing huwaran pagdating sa pagsunod at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Kung kaya nga’t itinuturing siyang dakilang tagapagpalaganap ng ebanghelyo at unang disipulo ni Kristo. Naipakita ng ating Mahal na Birhen ang kanyang pagmamahal at pananalig sa Diyos Ama sa pamamagitan ng pagtanggap niya sa misyong maging ina ng Tagapaligtas. Kung kaya ngayong buwan ng Setyembre sa unang lathala ng bagong format ng Sinag Resureksyon, karamihan sa mga nilalaman nito ay patungkol kay Maria, upang lubos pa natin siyang makilala.

Nawa’y suportahan ng bawat tao ang paglalathala ng newsletter na ito sa pamamagitan ng pagbasa ng bawat artikulong nailimbag at huwag balewalain ang bawat aral at impormasyon na makukuha rito. Karapat-dapat lang din na ito ay ibahagi natin sa mga miyembro ng ating pamilya, mga kaibigan o ka-opisina. At tulad nga ng pagbibigay ng bagong mukha sa Sinag Resureksyon, sana’y mabigyan din natin ng bagong panimula o pagkakataon ang “new media” para sa mas madali at mas malawak na pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. At katulad ng Birheng Maria, nawa’y maging instrumento tayo ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa ibang tao, ngunit maisasakatuparan lang natin ito, kung, tulad niya magiging tagapaniwala tayo ng ating Panginoong Hesukristo.

No comments: