Tuesday, January 11, 2011
BALITANG PAROKYA
Gift-giving ng parokya, idinaos
Noong 31 Disyembre 2010, ginanap sa simbahan ang taunang gift-giving para sa mga kapus-palad na parokyano ng Resureksyon.
Sinimulan ang nasabing aktibidad sa Misa ng Pasasalamat na pinamunuan ni Fr. Ronald. Ito ay dinaluhan ng 340 pamilya na siya ring hinandugan ng mga regalo na naglalaman ng bigas, at mga sangkap ng spaghetti at fruit salad.
Ang mga ipinamigay ay dahil sa kagandahang-loob ng mga residente ng Paltok. - Joy V. dela Cruz
Medical-Dental Mission sa ROLP ginanap
Tagumpay ang idinaos na Medical-Dental mission sa ating parokya noong nakaraang 14 Nobyembre 2010. Ito ay naisakatuparan dahil na rin sa pagsisikap ng ating kura paroko na si Fr. Ronald, Social Services and Development Ministry at Munting Simbahang Kapitbahayan (MSK) sa pakikipagtulungan ng St. Mary’s College, Quezon City, Tanglaw Center, at Quezon City Dental Society.
Libreng konsulta, pagpapabunot ng ngipin, at gamot ang inihandog na serbisyo ng nasabing gawain. At sa tulong ng ating mga kaparokyang doctor na sina sina Dra. Ugalde at Dra. Guevarra, ay nakapagbigay tayo ng libreng H1N1 vaccine para sa 50 Senior Citizens ng Paltok. Umabot din sa halos 450 tao ang nakinabang sa proyektong ito. - Irene S. Montero
Bagong opisyal ng Brgy. Paltok, nagdaos ng misang pasasalamat
BAGO SIMULAN ng mga bagong halal na lingkod ng Barangay Paltok ang kanilang serbisyong pampubliko, isang misa ng pasasalamat ang idinaos sa ROLP noong Nobyembre 28.
Pinamunuan ni Fr. Ronald Macale, kura paroko, ang naturang misa para sa mga bagong opisyal ng barangay na sina Barangay Captain Edgardo Paragua Jr. at mga Kagawad na sina Dennis Dasalla, Edgardo Zamora, Julie Floresca, Andresito Reyes, Leoncio Kuizon, Eduardo Donasco at Ernie Valdez.
Bago matapos ang misa, binigyan din ng Certificate of Appreciation sina dating Kapitan Alfredo Anos Jr. at SK Chairman Nico Villena para sa kanilang pamumuno sa barangay sa loob ng tatlong taon.
Naganap sa barangay hall ang pormal na panunumpa nila sa kanilang tungkulin noong 4 Disyembre 2010.- Jordeene Sheex B. Lagare
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment