Hindi nawawala ang tatlong hari na dumalaw sa kapanganakan ni Hesus tuwing sasapit ang kapaskuhan. Sa panahong ito, idini-display ang mga manikang dekorasyon ng tatlong pantas at ikinukuwento ang kanilang paglalakbay upang masilayan ang isisilang na Mesias. Ngunit alam ba ninyo na kasabay ng kanilang mahabang paglalakbay ay may isa pang pantas na nagtangkang marating ang munting sabsaban?
Hango ito sa klasikong kwento ni Henry Van Dyke, ang may akda ng “The Story of the Other Wise Man”.
Si Artaban, isang Zoroastrian, ay nanirahan sa mga bundok ng Persia na ngayon ay Iran. Tulad ng tatlo pang pantas, puspusan ang kanyang paghahandang ginawa sa pinakahihintay na pagdating tangan ang sapiro, rubi at perlas – ang tatlong alahas na siyang ihahandog niya sa Mesias.
Sa kanyang paglalakad patungo sa kinaroroonan ng iba pang pantas, nasalubong ni Artaban ang isang duguang lalaking nagmamakaawa sa kanyang tulong. Dali-dali niya itong tinulungan subalit nang lingunin niyang muli ang ibang pantas, wala na ang mga ito. Dahil dito, napilitang ipagbenta ni Artaban ang sapiro upang makabili ng mga kamelyo para sa kanyang lakbayin.
Narating ni Artaban ang Betlehem ngunit kasabay nito sinasabing dumating din sa bayan ang mga kawal na noo’y pumapaslang sa mga batang lalaki. Nang mapansin niya ang isang tahanang pinalilibutan ng mga kawal, buong tapang niyang pinaniwala sila na siya ang nakatira sa bahay na yaon at saka iniabot ang rubi upang sila’y tuluyang lumisan na. Pati ang perlas na tanging natira sa kanyang mga regalo ay naibigay na rin ni Artaban sa kanyang mga nakasalubong na pawang mga nangangailangan.
Sa kabuuan, inabot ng 33 taon si Artaban sa paghahanap sa Mesias, at kakambal nito ang walang pag-aalinlangan niyang pagtulong sa kanyang mga nakasalamuha. Sa mga bundok at hindi na sa munting sabsaban nasilayan ni Artaban ang anak ng hari na pinangalanang Hesus. Lumuluha at duguan na ang Mesias nang abutan niya ito dahil sa mga pakong nakabaon sa kanyang palad at mga paa.
Labis ang pagsisisi at kalungkutang naramdaman ni Artaban sa katotohanang tumambad sa kanyang harapan. Ngunit, alam ni Artaban sa kanyang sarili na tulad ni Hesus, hindi na rin siya magtatagal matapos ang kanyang napakahabang paglalakbay. Si Hesus at si Artaban ay kapwa papalapit na sa kanilang huling hininga nang pumukaw sa puso ni Artaban ang isang boses. Ito ang tinig ni Hesus na nagpasalamat at sinabi kay Artaban na siya ang may pinakamagandang naihandog na regalo. Hindi man niya naibigay ang kanyang mga materyal na pinaghandaan, gamit ang kanyang mabuting puso, naihandog naman niya sa Panginoon ang kanyang regalo sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.
Ang klasikong istoryang ito ng Ikaapat na Pantas ay gawa ng malikhaing imahinasyon ni Henry Van Dyke. Bagamat kathang-isip lamang ang kwento ni Artaban, maiuugnay pa rin natin ang kanyang makulay na karanasan sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Ilang beses na nga ba natin napagbigyan ang mga nagmamakaawang bata’t matatanda na nakakasalubong natin sa isang abalang lansangan? O sa madaling salita, kailan nga ba tayo nakatulong nang taos-puso sa mga kapos at nagdarahop?
Hindi mahalaga ang pangalan o posisyon, ni ang taglay na kayamanan. Maging ang pagkabigo at mga suliranin ay ‘di rin napapansin, kung ang hiwaga ng isang mabuti at maawaing puso ang siyang maghahari. - Christine Ann R. Amante
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment