Thursday, November 8, 2007

Ang Santo Rosaryo

Ang buwan ng Oktubre ay buwan ng Santo Rosaryo. Ipinagdiriwang ito upang ipagdangal ang Birheng Maria. Halos 1,200 taon na rin ang nakalilipas nang unang isagawa ng mga Katoliko sa iba’t ibang panig ng mundo ang pagdarasal ng Santo Rosaryo. Ang Santo Rosaryo ay nagsimula noong ika-19 na siglo, kung saan ang mga monghe mula sa Ireland ay bumibigkas ng 150 salmo ng bibliya bilang pangunahing papuri nila sa Diyos. Subalit, sadyang mahirap bigkasin at sauluhin ang 150 salmo sa bibliya, dahilan sa hindi makapagpalimbag ng mga kopya nang mga panahong iyon. Dahil dito, pinalitan ng mga mamamayan ng 150 Ama Namin ang 150 salmong galing sa bibliya.

Naging popular ang debosyong ito, kaya naman lumikha ang mga mamamayan ng isang bagay o gamit bilang gabay sa kanilang pagdarasal. Noong una, 150 maliliit na bato ang inilalagay nila sa kanilang mga bulsa, at habang sila ay nananalangin ay binibilang nila ito sa kanilang bulsa. Subalit ang pamamaraang ito ay sadyang mahirap at komplikado, kaya’t gumamit sila ng isang manipis na lubid na may 50 buhol (ginagamit ito ng 3 beses upang maging katumbas ng 150 panalangin). Sa kalaunan, gumamit sila ng lubid na may maliliit na kahoy.

Pagkalipas ng ilang taon, ang mga monghe galing sa Ireland ay naglakbay sa buong Europa at pinalaganap ang debosyon ng Santo Rosaryo. Ang pagdarasal ng 50 “Angelic Salutations” (Ang unang bahagi sa pagdarasalng Aba Ginoong Maria) ang nagging batayan ng mga relihiyoso noon sa pagdarasal gamit ang piraso ng kahoy o buhol sa lubid, bilang kanilang gabay.

Hindi kalaunan, lumaganap ang pagdarasal ng Santo Rosaryo sa pamumuno ni Blessed Alan de Rodre, isang Dominikano. Ang mga dasal ay nahahati sa 10 at sumisimbolo ito sa 10 dekada. Sa 10 dekada dadasalin ang “Aba Ginoong Maria” bago ang isang panalangin ng “Ama Namin”.

Noong taong 1700, ang mga kaisipang ginamit sa Santo Rosaryo ay kwento ng buhay ni Hesukristo. Si St. Louis de Montfort ay lumikha ng mga kwentong tutugma sa bawat dekada ng rosaryo. Ang mga kwentong ito ay nahati sa kasiyahan, kalungkutan at kagalakan”, na sumisimbolo bilang mga misteryo ng rosaryo. Ngunit noong 2002, ang mahal na Santo Papa Juan Paulo II ay nagdagdag ng 5 pang misteryo na tinawag na mga “misteryo ng liwanag”.

Ang pagdarasal ng Santo Rosaryo ay isang banal na pag-aalay ng papuri at pasasalamat hindi lamang sa Mahal na Birheng Maria kundi sa Poong Maykapal. Ang debosyong ito ay ating panatilihin, at tingnan ang pagdarasal ng Santo Rosaryo hindi bilang isang obligasyon ngunit isang matamis na pag-aalay ng mga dalangin sa Panginoon.

Hango mula sa “A Brief History of the Rosary” ni Dan Rudden

http://www.erosary.com/rosary/about/history.html

ni Rheciel Belen

No comments: