Thursday, November 8, 2007

Sacramentum Caritatis: Sakramento ng Pag-ibig

Ang dokumentong ito ay isang pagsisikap na lagumin at ipaliwanag ang mga importanteng mensahe ng Santo Papa Benito XVI mula sa Sacramentum Caritatis.

Noong Pebrero 22 ng taong ito, sinulat ni Santo Papa Benito XVI ang Sacramentum Caritatis (Sacrament of Love) upang ipahayag ang kahalagahan ng Eukaristiya bilang puno at hantungan ng buhay at misyon ng Simbahang Katoliko. Ang Sacramentum Caritatis ay ang ikalawang dokumento na sinulat ng Santo Papa tungkol sa pag-ibig. Kung maaalala natin noong nakaraang taon ay sinulat ng Santo Papa ang Deus Caritas Est (God is Love).

Hinihikayat ng Santo Papa ang lahat ng mga nananampalatayang Katoliko na palalimin ang kanilang pag-unawa sa kaugnayan ng misteryo, liturhiya at ng makabagong pagsamba na nagmumula sa Banal na Eukaristiya bilang sakramento ng pag-ibig. Dapat tandaan na ang buhay na Eukaristiyang pananampalataya ay nagdudulot ng pagpapalalim ng ating pakikibahagi sa misyon ni Kristo dito sa mundo.

Misteryo ng Pananampalataya

Ang Eukaristiya ay isang misteryo ng pananampalataya. Ipinahahayag sa banal na misa ng mga pari ang pagkamangha sa pagpapalit ng tinapay at alak sa katawan at dugo ni Kristo. Sa Eukaristiya, ibinibigay ng Panginoong Hesus ang Kanyang buong sarili at dakilang pagmamahal.

Ang Banal na Santatlo at ang Eukaristiya

Ang doktrina ng Banal na Santatlo (Ama, Anak at Espiritu Santo) ay binubuo ng tatlong katotohanan: (1) na ang Diyos ay iisa, (2) sa tatlong magkakaiba at (3) magkakapantay na Persona. Ito ay isang misteryo, hindi lamang dahil ang iisang Diyos ay may tatlong persona, ngunit dahil din sa Siya ay walang-hanggang PAG-IBIG. Ipinakikita sa Eukaristiya ang kasaysayan ng pag-ibig ng Diyos sa tao, mula sa paglikha at pag-aalaga ng Diyos Ama, sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus upang matubos tayo sa kasalanan, at ang pananahan ng Espiritu Santo upang tayo ay pabanalin. Ang “misteryo ng pananampalataya” ay ang misteryo ng pag-ibig ng Banal na Santatlo.

Hesus ang Kordero ng Diyos

Ang pagkamatay ni Kristo sa krus ay ang katuparan ng pagtalikod ng Diyos sa kanyang sarili upang itaguyod at iligtas ang sangkatauhan. Sa eukaristiya ipinahahayag ng pari “Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Mapapalad ang tatanggap sa kanyang piging.” Sa pagbibigay ni Hesus ng kanyang buong sarili, binigyang katuparan niya ang pangakong kaligtasan ng Diyos sa tao.

Ang Espiritu Santo at ang Eukaristiya

Ang Espiritu Santo ay gumagalaw na mula pa nung likhain ng Diyos ang mundo, sa paglilihi kay Hesus ng Birheng Maria, sa pagtupad ni Hesus ng kanyang misyon, at sa pagdapo niya sa mga Apostoles noong Pentekostes. Ang Espiritu Santo ang Siyang nagpapahintulot sa pagbabago ng tinapay at alak upang maging katawan at dugo ni Kristo.

Ang Eukaristiya at ang Simbahan

Dapat maunawaan na ang Simbahang tinutukoy dito ay ang mga tao at hindi istruktura. Sa pagkamatay ni Hesus sa krus, itinatag Niya ang Simbahan bilang kanyang kabiyak at katawan. Ang Simbahan ay nagsisilbi ring tanda at instrumento ng matalik na pakikipag-ugnay sa Diyos at ng pagkakaisa ng buong sangkatauhan (GS, 42). Ang buong Simbahan na nakikibahagi sa katawan at dugo ni Kristo ay pinag-iisa ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng Eukaristiya.

Ang Eukaristiya at mga Sakramento

Ang sakramento ay isang materyal na tanda na nagkakaloob ng grasya, binibigyang-bisa ang isinasagisag nito, at nagbubunga ng grasya sa pamamagitan ng isinasagisag na grasya. Ang mga sakramento ay tumutulong na ipaliwanag kung paano maaaring kumilos ang grasya ni Kristo sa atin. Ang lahat ng mga sakramento na ating tinatanggap ay may malapit na kaugnayan sa Eukaristiya. Ang mga sakramento ay pinag-iisa at humahantong sa Eukaristiya.

  1. Binyag at Kumpil

Tayong lahat ay sinilang na makasalanan at nasa isang kalagayang taliwas sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng binyag, tayo ay naliligtas sa kasalanan at nagiging mga lehitimong anak ng Diyos. Sa kumpil naman ipinagkakaloob sa atin ang biyaya ng Espiritu Santo upang maging patuloy na saksi ng Mabuting Balita ng Panginoon. Ang binyag at kumpil ay nagiging perpekto sa pagtanggap sa Eukaristiya.

Sa pagtanggap ng binyag at kumpil, ang tao ay nagiging bahagi ng malaking pamilya ng Diyos. Kaya’t nais ng Santo Papa na bigyang halaga ang mga sakramentong ito ng bawat Kristiyanong pamilya. Ang bawat pamilya ay dapat na maging saksi sa pagtanggap ng mga sakramento ng mga miyembro nito, at suportahan ang paglago ng kanilang Kristiyanong pananampalataya.

  1. Sakramento ng Pagbabalik-loob

Ang mga nananampalataya ay naiimpluwensiyahan ng kultura ng pagwawalang-bahala sa kasalanan at pangangailangan na maging banal upang maging karapat-dapat sa pagtanggap kay Kristo sa banal na Eukaristiya. Ang sakramento ng pagbabalik-loob, o pagkukumpisal sa pari, ay nagsisilbing lunas upang upang maituwid ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang pagmamahal sa Eukaristiya ay nagdudulot ng higit na pagpapahalaga sa sakramento ng pagbabalik-loob.

  1. Pagpapahid ng Langis

Sa Eukaristiya ipinakita ni Hesus kung paanong ang kanyang pagpapakasakit at pagkamatay ay bunga ng kanyang dakilang pagmamahal. Sa sakramento ng pagpapahid ng langis naman ay ipinakikita ang pakikiisa ng mga maysakit sa pag-aalay ni Kristo ng kanyang buong sarili para sa kaligtasan ng lahat.

  1. Banal na Orden

Ang kaugnayan ng Eukaristiya sa sakramento ng banal na orden ay nasasaad sa sinabi ni Hesus, “Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin” (Lk 22:19). Sa paglilingkod ng pari sa kanyang ministeryo ipinakikita niya si Kristo bilang pinuno at pastol.

Hinihikayat ang lahat ng mga Kristiyanong pamilya at pamayanan na suportahan ang paglago ng bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso.

  1. Kasal

May espesyal na kaugnayan ang Eukaristiya at ang sakramento ng kasal. Ang buong Kristiyanong pamumuhay ay marka ng pagmamahal ni Kristo at ng Simbahan na Kanyang kabiyak. Pinatatatag ng Eukaristiya ang pag-iisang-dibdib ng mga ikinakasal upang ito ay maging kasintatag ng ugnayan at pagmamahalan ni Kristo at ng kanyang Simbahan.

Ang Eukaristiya at Eskatolohiya

Ang bawat pagdiriwang ng Eukaristiya ay humahantong sa pagtitipong eskatolohikal, o sa katapusan, ng buong bayan ng Diyos. Namatay si Kristo upang ang lahat ng sumusunod sa kanya ay magkamit ng “buhay na walang hanggan” (Mc 10:30). Ang pag-aalaala sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Eukaristiya ay nagpapalakas sa ating pag-asa sa buhay na walang hanggan at makatagpong muli ang mga nauna na sa atin sa langit.

Ang Eukaristiya at ang Birheng Maria

Ang biyaya ng Diyos sa atin ay nabigyang katuparan sa katauhan ni Birheng Maria. Sa kanyang buong buhay sa lupa, ipinakita ni Maria ang kanyang pagsang-ayon at pakikibahagi sa pagliligtas ng Diyos sa tao. Katulad ng pagtanggap ni Maria sa Diyos, nawa’y tanggapin din natin si Kristo sa Eukaristiya.

Sanggunian:

  1. Post-Synodal Apostolic Exhortation SACRAMENTUM CARITATIS of the HOLY FATHER BENEDICT XVI to the bishops, clergy, consecrated persons and the lay faithful on the Eucharist as the source and summit of the Church’s Life and Mission. 2007. http://www.vatican.va
  2. Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko. 2000. Catholic Bishops Conference of the Philippines
  3. Garcia, Rev. William. Renewal for Lay Liturgical Ministers. 2007

ni Christina Maureen Salang

No comments: