Kaibigan: Yaman ng Buhay
Ang pagkakaibigan ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi at uri ng relasyon sa buhay ng isang tao. Bawat tao, anumang antas ng lipunan nabibilang, ay may kinikilalang kaibigan. Ayon nga sa isang awitin, “Walang sinuman ang nabuuhay [nang] para sa sarili lamang.”
Ngunit sino nga ba ang maituturing na tunay na kaibigan? Silang mga masayang nakakasama at nakakaramay sa kahit anumang tunguhin mayroon tayo sa ating buhay?
Tunay ngang masaya ang magkaroon ng mga kaibigan. Maari natin silang makasama saan man natin nais magpunta. O maging karamay sa ating pagdaramdam. Subalit dapat nating maintindihan na ang pagkakaibigan ay hindi lamang pakikibahagi sa kasiyahan o isang paraan upang punan ang ating mga kakulangan. Sila ay nariyan sa kabila ng ating pagkukulang. Sila ay patuloy na tumatanggap ngunit hindi rin naman kumukunsinte ng ating mga kamalian. Kaya’t tunay ngang ang buhay ay lalong nagiging kasiya-siya dahil sa mga kaibigan.
Subalit hindi rin naman maiiwasan na dumating ang panahong ang pagkakaibigan ay susubukin. May mga pagkakataon na sa kabila ng isang mabuting samahan nangyayari ang mga hindi inaasahan tulad na lamang ng pagkakatagpo nila ng mga bagong kaibigan. Sa bahaging ito kalimitang nagsisimula ang ‘di pagkakaunawaan.
Gayunpaman, dapat nating maunawaan na ang pangyayaring ito ay hindi magandang pagmulan ng anumang samaan ng loob. Ang bagong mga kaibigan ay bago ring pagmumulan ng saya at pagmamahal. Maituturing ding isang biyaya ang pagkakataong sila rin ay maging kaibigan natin. Hindi ba’t nakapakagandang isipin na tayo rin ay maaaring bumuo ng magandang kaugnayan sa kanila?
Ngunit sa kabila ng lahat, dumarating din ang oras na tila tayo’y walang kaagapay at nag-iisa. Sa panahong ito, tayo ay huwag malungkot; sa halip, manatiling payapa at nagtitiwala sapagkat ang Diyos ay lagi lamang nariyan, nag-aabang na Siya’y ituring nating kaibigan. Siya’y isang kaibigan, saan mang lugar o anumang panahon. Ayon nga sa aklat na Purpose Driven Life (Tagalog Edition) ni Rick Warren, “Ngunit ang nakamamanghang katotohanan ay ito: Ang makapangyarihang Diyos ay nagnanais na maging kaibigan mo”. Kailangan lamang makaugalian ang pakikipag-usap sa Kanya sa pamamagitan ng dasal at patuloy na pagninilay sa Kanyang mga Salita at higit sa lahat, ang pagsasabuhay nito sa pang-araw-araw nating buhay.
Tulad na lamang ni Rev. Rey na kamakailan lamang ay naordinahan sa pagka-diakono (tingnan ang pahina 1). Hindi maikakaila ang kanyang magandang pakikipagkaibigan sa Diyos na naipamalas din sa kanyang pagpili ng bokasyon ng pagpapari. Ang halimbawang ito ay isang inspirasyon at gayundin tayong lahat ay tinatawag makipagkaibigan sa ating Diyos. Ayon nga sa Psalm 25:14, “Ang pakikipag-ibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa Kaniya; at ipakikilala Niya sa kanila ang kaniyang tipan”.
No comments:
Post a Comment