Friday, November 18, 2011

Kilalanin Natin

Brother Dan: Kaagapay ng Simbahan

ni Leslie Mendezabal

SI DANIEL Almoguera Dominguez, ang seminaristang higit na kilala bilang “Brother Dan,” ay ipinanganak noong Disyembre 5,1989 sa Pasig City. Siya ay nag-iisang anak nina G. Rodrigo Dominguez at Gng. Fanny Almoguera. Lumaki siya sa Cainta, Rizal kung saan siya kasalukuyang naninirahan kasama ang kanyang mga magulang.

Nagtapos siya ng elementarya sa Lourdes School of Mandaluyong at sekundarya sa Pasig Catholic College. Noong taong 2006 pumasok siya sa Seminaryo ng San Carlos sa Makati City. Dito siya nahikayat magpari ng kanyang 4th year class adviser na isang ex-seminarian.

Dumating siya dito sa ROLP noong 3 Abril 2011 bilang seminaristang kaagapay ng ating kura paroko. Tinutukan niya ang Music Ministry kung saan siya masigasig na naglingkod at nagturo ng mga awiting pansimbahan. Bukod pa rito, ginabayan niya ang ating mga altar servers (MAS) at tumulong sa paghahanda ng ROLP souvenir program 2010-2011 at Sinag Resureksyon newsletter.

Si Bro Dan ay masayahing tao na may malasakit lalo na sa mga naglilingkod sa ating simbahan. Kung kaya’t marami sa ating parishioners ang sa kanya’y naaaliw! Mahilig din siyang maglaro ng sudoku at scrabble, mag-bisekleta at kumanta sa videoke.

Salamat sa iyong pag-agapay at sa hatid mong kasiyahan, Bro. Dan!



Biyaya sa mga Iskolar ng ROLP

ni Irene Montero

Naipatupad na ngayong taon ang Scholarship Program ng ROLP sa pangunguna ng Social Service Development Ministry o SSDM na pinamumunuan ni Wilma Castor, SSDM-Coordinator at sa gabay ng ating kura paroko na si Padre Ronald Macale. Layunin ng programang ito na makatulong sa ilang piling mag-aaral ng Paltok Elementary School at Bayanihan Elementary School upang tustusan ang kanilang mga pangangailangang pampaaralan.

Sa kasalukuyan, may 15 mag-aaral ang biniyayaang maging scholar. Tumatanggap sila mula sa mga sponsors na may mabuting kalooban ng tulong pinansyal para sa mga kanilang mga daily allowances at iba pang pangangailangan. Ang mga kabataang scholars ay miyembro ng ating Misang Pambata Staff (MPS) kung saan aktibo sila sa mga gawaing pansimbahan. Kailangan din mapanatili ng mga kabataang ito ang mataas na marka sa eskwela at maging huwarang mabuting estudyante. Kabilang din ang paghubog espiritwal kung kaya’t sa tuwing Linggo ng alas-kuwatro ay dumadalo sila sa Banal na Misa kasama ang kanilang pamilya.

Bukod dito, inaasahan din ang pagsisimula ng karagdagang programang naglalayong mapalago pa ang kanilang pananampalataya gayundin ng kanilang mga magulang. Hinihiling din ng ating simbahan ang patuloy na suporta ng mga magulang sa kanilang mga anak; gayundin ang pagtangkilik nila sa iba pang programang sisimulan ng parokya tulad ng livelihood program.

Ang ating simbahan at SSDM ay taos-pusong nagpapasalamat sa lahat ng tulong ng mga boluntaryong sponsors. Aming dalangin na sa inyong patuloy na pag-aalay ng kabutihan nawa’y gantihan ng Maykapal ang inyong kagandahang loob. Tunay nga na ang mga taong tulad ninyo ang daluyan ng biyaya ng Diyos!

No comments: