Ang Miyerkules de Sinisa, o Ash Wednesday sa Ingles, ay ang unang araw ng kuwaresma. Sa taong ito, ang pagdiriwang na ito ay magaganap sa Pebrero 25.
Dalawang termino ang nabanggit sa unang pangungusap: Miyerkules de Sinisa at Kuwaresma. Ang Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob, pagninilay at pangilin upang tayo ay maging handa sa muling pagkabuhay ni Kristo, nang matanggap natin ang kaligtasan.
Gaya ng pagbabalik-loob ng mga taga-Nineveh (Jonah 3: 5-8), ang ating mga noo ay pinapahiran ng abo upang magpangumbaba ang ating mga puso at paalalahanan tayo na ang buhay sa mundo ay may hangganan.
KASAYSAYAN
Ang pagpapahid ng abo ay mula sa isang seremonya na maaaring nagsimula noong ika-8 siglo. Tuwing araw na ito, ang mga mananampalataya ay inaanyayahang lumapit sa altar bago magsimula ang misa, habang ang pari, na inilulubog ang kanyang hinlalaki sa nabasbasang abo, ay nagmamarka ng krus sa noo, at sinasabi na ang tao na nanggaling sa alabok ay sa alabok din magbabalik.
ANG MGA ABO
Ang mga abo ay gawa sa mga lumang palaspas na binasbasan noong Linggo ng Palaspas ng nakaraang taon. Ang mga abo ay binabasbasan ng Banal na Tubig at insenso.
KAHULUGAN
Habang ang mga abo ay sumisimbolo ng pagbabalik-loob at pagsisisi, ang mga ito rin ay nagpapaalala na ang Diyos ay nalulugod at nahahabag sa mga taong buong pusong tumatawag at humihingi ng Kanyang kapatawaran. Pinakamahalaga ang dakilang awa ng Panginoon sa panahon ng Kuwaresma. At ang Simbahan ay tumatawag sa atin na hingin ang Dakilang Awa ng Diyos sa panahong ito sa pamamagitan ng pagninilay, pananalangin at pagbabalik-loob. Sa pagpapahid ng abo ng pari sa atin, sinasabi niya ang mga katagang “Turn away from sin and believe in the Gospel”. Ipinahahayag sa atin na sikapin na lumayo sa mga kasalanan at sa mga okasyong magdadala sa atin dito, upang tayo ay higit na makasunod sa salita ng Diyos sa Ebanghelyo.
Sanggunian:
1. Thurston, Herbert. “Ash Wednesday.” The Catholic Encyclopedia. Vol. 1. New York: Robert Appleton Company, 1907. 7 Feb. 2009
2. Fairchild, Mary. “When is Easter 2009?” New York: New York Times Company. 7 Feb. 2009
3. “Ash Wednesday.” Catholic Online. California: Catholic Online. 7 Feb. 2009.
4. Tabora, Fr. Joel, SJ. “Transfiguration in Lent.” New York: Philippine Jesuit Foundation, 2003. 7 Feb. 2009.
No comments:
Post a Comment