Wednesday, March 4, 2009

PREX General Assembly

ni Jordeene Sheex B. Lagare

Naging masaya at matagumpay ang ika-16 na Parish Renewal Experience (PREX) General Assembly na ginanap sa patio ng ating simbahan noong Enero 31, 2009. Layunin nito na magkatipon-tipon ang mga PREX graduates upang lubos na magkakilala ang bawat isa. Sa isang miting ng core, sinabi ni Fr. Ronald Macale, ang ating kura paroko, na dapat magkaroon ng general assembly taun-taon.

Sinimulan ang naturang okasyon ng isang motorcade na tumagal ng isang oras. Pagkaraan
ng motorcade, idinaos ang Misang pasasalamat na pinamunuan ni Fr. Ronald. Sinundan ang Misa ng isang programa. Nagpamalas ng iba’t ibang talento sa pagkanta at pagsayaw ang iba’t ibang PREX class. May mga ipinamigay sa raffle at sa mga palaro ng mga papremyo galing sa mga PREX graduates. Habang idinadaos ang programa, maraming PREX graduates ang nagpa-abot ng kanilang tulong tulad ng mga notebooks, ballpens, pagkain at merienda, at mga gamot para sa susunod na pa-klase.

“Masaya ako kasi nabawasan ang gastos para sa mga pangunahing pangangailangan dahil marami ang nagbigay ng mga pledges para dito. Sana magkaroon ng maraming participants para worth ang mga pledges at maraming maglingkod sa ating simbahan,” sabi ni Wilma Castor, isa sa Lead Couple, PREX 49.

“Ika-16 na taon ng pagkakaisa at pagpapalaganap para sa pagpapalagong buhay Kristiyano” ang tema ng naturang assembly.

No comments: