Thursday, August 9, 2007

Kilalanin si Fr. Totit

Marahil ay napansin na ninyo nitong nakaraang buwan ang bagong pari sa ating parokya. Siya ay si Fr. JC Omar Socrates Tagum Vita II, o Fr. Totit, kung siya’y karaniwang tawagin. Siya ay panganay sa anim na mga supling nina Cielito at Wilma Vita. Ipinanganak siya noong Agosto 5, 1972 sa bayan ng Legaspi sa Albay. Sa kanilang magkakapatid ay si Fr. Totit lamang ang naging pari, dahil sa impluwensiya ng kanyang ama, na isang taong malapit sa Diyos. Paniniwala ng kanyang ama na ialay ang kanyang panganay na anak sa Diyos. At walang pag-aatubili namang sumunod ang batang si Totit. High school pa lamang siya ay pumasok na siya sa seminaryo, sa Our Lady of Peñafrancia Minor Seminary sa bayan ng Sorsogon. Nag-aral siya ng Pilosopiya sa Mater Salutis College Seminary sa Legaspi City, at Teolohiya sa Holy Rosary Major Seminary sa Naga City. Mabuti ang Panginoon sapagkat pinalad naman si Fr. Totit na maging isa sa dalawang naging pari mula sa tatlumpu’t apat na pumasok sa minor seminary sa kanyang pangkat. Siya ay inordinahan noong Enero 16, 1999.

Nang ma-ordinahan bilang pari, si Fr. Totit ay unang nagsilbi bilang Parochial Vicar sa St. Gregory the Great Cathedral sa Legaspi City sa loob ng isang taon. Naatasan din siya na maging secretary at notary sa Diocesan Chancery ng Diyoseses ng Legaspi. Matapos ang dalawang taong paglilingkod sa chancery, siya ay naging Parochial Vicar sa mga parokya ng St. John the Baptist sa bayan ng Camalig, at sa Sts. Peter and Paul sa bayan ng Polangui, lalawigan ng Albay. Nang makalimang taon siyang pari, siya ay binigyan ng pagkakataon na maging kura paroko ng St. Vincent Ferrer Parish sa bayan ng Guinobatan, Albay. Dalawang taon din siyang naging kura paroko bago nagdesisyon na kumuha ng sabbatical leave sa Diyoseses ng Legaspi. Sa tulong ng rekomendasyon ng kanyang Obispo siya ay nabigyan ng pagkakataong maglingkod sa Diyoseses ng Cubao. Una siyang naatasang maglingkod sa parokya ng Sto. Cristo de Bungad, hanggang sa hiniling ng ating kura paroko na si Fr. Ronald Macale na maging guest priest ng ating parokya. Halos isang buwan nang namamalagi si Fr. Totit sa ating parokya. Bukod sa pagmimisa, may mga pagkakataon din na siya ay sumasama sa mga gawain ng mga organisasyon ng parokya. Inatasan siyang bigyan ng kaukulang pansin ang Youth Ministry ng ROLP.

Kung hindi naman abala sa mga gawain sa parokya si Fr. Totit, siya ay nanonood ng telebisyon, nakikinig ng radyo, o kaya ay naglalaro ng badminton o lawn tennis. At hindi agad maiisip na ang malumanay na paring ito ay mahilig pala sa Motor Bike!

Masaya si Fr. Totit sa kanyang pananatili sa ROLP. Madali niyang nakasundo ang mga parokyano dahil simple ang pamumuhay ng mga ito. Sinabi niya ang mga taga-ROLP ay “maasikaso, malambing, at mapagmahal sa pari.”

Sana ang pananatili ni Fr. Totit sa ating parokya ay makatulong sa mga parokyano ng ROLP na lumago ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at maging daan din sa kanyang paglago bilang tao at bilang paring hinirang ng Diyos.

No comments: