Idinaos ang isang seminar tungkol sa prusisyon noong ika-14 ng Hulyo, 2007 sa ikalawang palapag ng ating parish center. Pinangunahan ito ng may-akda ng librong Prusisyon: Paghahanda at Pagdiriwang, na si Bro. Mike delos Reyes. Dinaluhan ito ng ating kura paroko na si Fr. Ronald at resident guest priest na si Fr. Totit, mga miyembro ng iba’t-ibang organisasyon at mga may-ari ng mga imahen sa ating parokya.
Tinalakay sa naturang seminar ang prusisyon sa loob ng liturhiya, ngunit binigyan niya ng pansin ang prusisyon na ginaganap tuwing Semana Santa. Inilarawan niya ang prusisyon bilang isang gumagalaw na katekesis at isang bigkis na nagbubuklod sa iba’t-ibang anyo ng mga panata ng mga Katolikong Pilipino. Ito rin ay nakakatulong sa pagpapayaman ng espirituwalidad ng mga tao. Binigyang diin din na ang parangal na iniuukol sa mga imahen ay patungkol sa banal na kinakatawan nito, at hindi nakasalalay sa kabanalan o kapangyarihan ng imahen. Kaya mahalaga ang wasto at angkop na paglalarawan sa mga ito. Dapat nating maintindihan na ang prusisyon ay isang paglalakbay kasama at kasunod ni Kristo sa kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay. Ngunit hindi dapat na gawing pamalit sa mga liturhiya ng Mahal na Araw.
Napag-alaman ni Bro. Mike na ang prusisyon ng “Pasyon, Pagkamatay at Paglilibing kay Kristo” ay ginagawa dito sa ating parokya tuwing Biyernes Santo lamang. Iminungkahi niya na magkaroon ng prusisyon tuwing Miyerkules Santo; ito ang prusisyon ng “Pagpapakasakit ni Hesus”. At ang “Paglilibing kay Kristo” lamang ang dapat gunitain tuwing Biyernes Santo. Nagbigay siya ng panukalang hanay ng mga imahen na dapat isama tuwing iyerkules at Biyernes. Dapat daw na maintindihan na kailangang hiwalay ang paggunita sa Pasyon at Paglilibing ng ating Panginoong Hesus. Ipinahayag din niya ang pangunahing hanay sa Prusisyon ng Salubong. Iminungkahi rin niya ang pagkakaroon ng dakilang prusisyon ng Pagkabuhay na dapat gawin sa Linggo ng Pentekostes.
===
by Joy Dela Cruz
No comments:
Post a Comment