ni Fr. Pong Del Rosario
Ang ng Pasko ng Pagkabuhay ay ‘di lamang lubhang banal at mahalaga para sa pandaigdigang Iglesia. Ito rin ay isang nata-tanging pagdiriwang para sa atin sapagkat ang ating parokya ay niloob ng Diyos na maipangalan at maisa-ilalim sa paggabay at pangangalaga ng Panginoong Muling Nabuhay.
Sa puso ng liturhiya ng Magdamagang Pagdiriwang ng Pagkabuhay ng Panginoon ay ginaganap natin ang Pagsasariwa ng mga Pangako sa Binyag kung saa’y ginagawa rin natin ang pagtatakwil kay satanas at ng kanyang mga gawain, kasinungalingan at pang-aakit. Ito ang tuwinang hamon sa pang araw-araw nating pamumuhay:
Ang MAGPASAKOP sa Diyos at MAGTAKWIL sa diyablo;
Ang SUMUNOD sa kalooban ng Diyos at lumayo sa pang-aakit at panunukso ng diablo;
Ang TUMANGGAP sa liwanag, pag-ibig, katotohanan at buhay ng Diyos, at tumanggi sa dilim, galit, at
kasinungalingang galing sa diyablo.
Tayo’y ginawang mga anak ng liwanag ng muling-pagkabuhay ng Pangi-noong Hesukristo. Tayo’y binago na, nilinis na ng tubig ng Binyag at inilig-tas na ng Katawa’t Dugo ni Kristo sa Eukaristiya. May kakayahan na tayong magbagong-buhay, magpatawad, mag-ing malaya sa paglilingkod, magbuklod at magbuo ng sambayanang Kristiyano.
Tayo’y hinango na ng Panginoong Muling Nabuhay mula sa dilim, kasalanan at kamatayan. Huwag na tayong umurong. Huwag na tayong bumalik sa dati. Huwag na tayong magpadaig sa mga luma nating kahinaan at kasalanan.
Mga kaibigan, kaparokya, kapamilya, mga nakatatanda’t kabataan, mga magulang, at mga kapitbahay:
Maging sanhi at pasimuno tayo ng pagbabago at pagbangon ng ating parokya, ng ating pamayanan.
Pagningningin natin ang liwanag ni Kristo sa ating kababaang-loob, paggagalangan, paglilingkod, pagpapatawaran, pagtataguyod, at pagpapalitaw ng magandang pagkatao at kabutihan ng bawat isa.
Isa pong maligaya, mapagpala, mapagpanibagong PASKO ng Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling-Pagkabuhay ng PANGINOONG HESUKRISTO sa inyong lahat!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment