ni John Harvey Bagos
Ang mga layko ay ang pinakamahalagang sangkap ng simbahan na kinakikitaan ng tunay na pagkakapatiran at pagkakaisa. Sinasabing sa buhay na simbahan lumilitaw ang aktibong mga layko na handang magbigay hanggang sa huli ng kanilang kakayahan upang maglingkod sa kanilang kapwa. Ngayong ipinagdiriwang natin ang Taon ng mga Layko, magbigay at mamili tayo ng ilang sektor sa ating lipunan na nais nating subukang palakasin, bigyan ng lubusang pagpapahalaga at ng tulong upang lalo nila mabatid ang kani-kanilang halaga bilang kabilang sa iisang Simbahan.
Nais kong pagtuunan ng pansin ang apat sa labing dalawang pangunahing sektor sa Taon ng mga Layko: ang mga wasak na pamilya, ang mga nasa bilangguan at mga nakatatanda, ang mga nalulong sa masasamang bisyo, at ating mga kapatid na walang hanapbuhay at tahanan, upang higit nating maunawaan ang kanilang halaga sa ating komunidad at lipunan. Marahil mababatid natin ang kanilang pagkakaugnay at pagkakatulad. Ang apat na sektor na ating nabanggit ay lubusang hindi naririnig, hindi nababatid, at higit sa lahat, hindi nabibigyan ng karapatan upang mapakinggan, maka-ugnayan, at matulungan.
Kaya naman, kinakailangang palakasin ang mga programa ng buong simbahan para sa mga layko at mananampalataya upang ang mga walang tahanan ay mapakinggan, matulungan, nang sa gayon maipabatid sa kanila ang halaga ng mabuting pamamahala at pakikipag-ugnayan. Bigyan sila ng wastong mga programa sa pag-iimpok upang magkaroon sila ng matatawag nilang tahanan na may pag-ibig.
Ang mga laykong nalulong naman sa mga masasamang bisyo ay mabigyan ng pagkakataong maiangat ang kanilang dignidad at pagkatao. Ito ay upang ang mga nawawalan ng pag-asa dahil sa kanilang estado at kinalalagyan sa buhay ay magkaroon ng pagpapanibagong tumalima sa at tumanggap ng nagpapabagong pagmamahal mula sa kanilang mga pamilya, mga kaibigan, at komunidad na kanilang kinabibilangan.
Ang mga nabibilang naman sa wasak na pamilya ay mabigyan nawa ng tulong upang magkaroon ng ibayong lakas ng loob na paninindigan ang halaga ng bawat miyembro ng pamilya. Nawa’y magkaroon din sila ng lubos na pagmamahalan at respeto sa isa’t isa. Mabatid nawa ng mga magulang ang kanilang pananagutan sa kanilang mga anak upang mas lalong maramdaman ng mga anak na hindi sila iba sa nakakarami.
Harinawa, ang mga nakatatanda at yaong nasa kulungan ay mabigyan ng sapat na pangangalaga at importansya. Sila ay magkaroon ng lubusang atensiyon at tulong sa anumang mga pangangailangan nila. Ang mga nasa piitan ay magkakaroon ng pagkakataong maipanumbalik ang halaga at saysay ng kanilang buhay, at sa pamamagitan ng mga paghuhubog sa kanila ay mai-balik ang wastong tiwala at respeto sa kanilang sarili.
Kaya naman kinakailangan nating bigyang pansin ang mga naisasantabing sektor ng ating lipunan at pamayanan sa simabahan. Sapagkat marahil isa ito sa ating magiging unang hakbang upang lalong mabigyan ng atensyon ang ating mga layko. Ito’y dahil sa ang mga layko, sa simula’t simula pa ng pananampalataya sa ating bansa, ay ang ating mga tagapagpa-hayag ng Mabuting Balita. Kaya naman ito ang mga itina-tanong sa ating lahat: Napapansin pa nga ba natin ang mga pangkaraniwang layko na ating nakakahalubilo, nang walang pinapanigan at walang pagmamalaki? Tumutugon ba tayo sa paanyaya ng Panginoon sa pagpapahayag ng Mabuting Balita sa isip, salita, at gawa? Nagiging bukas ba tayo sa paanyaya ng mabuting mga tagapangasiwa ng ating simbahan?
Nawa sa pagdiriwang ng taon na ito, patuloy na maipunla sa ating puso ang lubusang ugnayan natin sa ating mga kapatid, lalo na ang mga sektor na ating pinagnilayan na minsa’y hindi natin pinakinggan ni binigyan ng pagkakataon, upang lalo silang magkaroon ng tunay na pagpapalaka.
---
Harvey is a former altar server and legionary of ROLP. Later on, he moved to the Dioese of Novaliches. Once an active catechist, he entered San Carlos Seminary (2009- 2013) for his philosophical studies. At present, he is a 1st Year Theology student at Saint Vincent School of Theology and stays at De Paul House under the Vincentian Fathers.
Monday, April 21, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment