Monday, March 24, 2014

PARISH PRIEST'S CORNER | Si Kristong Kapiling ang Tunay na Pasko

ni Fr. Pong Del Rosario

Tuloy ang Pasko!

Hindi dahil tayo’y manhid at walang pakialam sa mga kaganapan at pinagdaraanan ng ating mga kababayan. Tuloy ang Pasko. Ito’y sa kabila ng ating kahirapan at mga pagsubok na sinisikap pagtagumpayan.

Ang Pasko ay hindi tungkol sa regalo at bonus. Ang Pasko ay hindi tungkol sa mamantika at makukulay na pagkain at kasuotan. Ang Pasko ay hindi tungkol sa walang habas na paggasta at pamimili. ANG PASKO AY SI KRISTO SA ATING PILING!

“Ubi caritas et amo, Deus ibi est. Ubi caritas et amo, Christus ibi est.” Kung saan may pag-ibig at pagmamalasakitan, naroon ang Diyos umiiral at nararamdaman. Sa kabila ng matinding dagok at pagkasubasob na naranasan natin gawa ng kararaang mga kalamidad, ang ating mga puso’y hindi natinag. Ang dangal at tatag natin bilang bayan ay lalo lamang nag-ugat at tumibay. Mas malakas at makapangyarihan kaysa sa lindol at nangangalit na hangin at alon ang daluyong ng PAG-IBIG, PAGBABAYANIHAN, PAGMAMALASAKIT, PAGDADAMAYAN at PAG-UUGNAYAN na bumalot sa buong bayan natin mula mismo sa ating lahat: mga bayan-bayan at lalawigan, mga diosesis, parokya, iba’t ibang samahan, mga baranggay, pamilya, eskwelahan, opisina, mga sangay ng pamahalaan, kapulisan at mga kawal, mga OFW, factory at office workers, mga drivers, mga tindero’t tindera, mga bata’t matanda, at maging sa lahat ng panig at sulok ng daigdig. Kung saan may pag-ibig...NAROROON ang Diyos!

Maagang dumating ang kapaskuhan sa ating piling!

Naririto na’t buhay na buhay si Kristo sa ating piling!


No comments: