Monday, March 24, 2014

UNAWAIN NATIN | Katesismo sa Bagong Credo: Artikulo 8 hanggang 10

ni Angelli Tugado

I believe in the Holy Spirit, the Lord, the giver of life, who proceeds from the Father and the Son, who together with the Father and the Son is worshipped and glorified, who has spoken through the Prophets.

Kasama ng Diyos Ama at Diyos Anak na si Hesus, ang Espiritu Santo ay bumubuo sa Banal na Santatlo. Kaya ang nananalig sa Banal na Espiritu Santo ay nananampalataya na din sa Diyos Ama at Kanyang Anak na si Hesukristo. Kumikilos ang Espiritu, kaalinsabay ng Diyos Ama at Anak, tungo sa ikatutupad ng plano ng ating kaligtasan.

Sa pamamagitan ng Binyag, ang unang sakramento ng pananampalataya, personal na ipinahahayag ng Espiritu Santo sa loob ng Simbahan ang buhay na nagmula sa Ama na ipinagkaloob Niya sa atin sa pamamagitan ng Anak. Ang Espiritu Santo ang unang nagpupukaw sa atin ng pananampalataya at nagdudulot sa atin ng kaalaman tungkol sa Ama at sa Anak. Tuwing sumasangguni ang Simbahan sa Banal na Kasulatan sa Lumang at Bagong Tipan, sinasaliksik nito nais ipahayag ng Espiritu, “sa pamamagitan ng winika ng mga propeta,” tungkol kay Kristo.

Sa Simbahan, ang pamayanang nabubuhay sa pananampalataya, nakikilala ang Espiritu Santo sa mga Banal na Kasulatan, liturhiya, mga pananalangin, mga turo ng Simbahan (magisterium), pagsasaksi ng mga santo, buhay na paglilingkod sa Diyos at kapwa. Ang Banal na Espiritu (o ruah sa wikang Ebreo na nangangahulugang “hangin” o “hininga”) ay kilala din bilang “Paraclete” at sa mga sim-bulo ng tubig, apoy, at kalapati.

Alinsunod sa plano ng ating kaligtasan, hinirang at inihanda si Maria (sa biyaya ng Espiritu Santo kung kaya’t siya ay “napupuno ng grasya”), ng Diyos upang sa pamamagitan niya ay magsimulang manahan ang Kanyang Anak at Espiritu sa sangkatauhan.

I believe in one holy, catholic, and apostolic Church.

Ang pagiging “isa,” “banal,” “katolika,” at “apostolika” ng Simbahan ang mga katangiang nag-uugnay sa isa’t isa.

Nagkakaisa ang Simbahan sa kanyang pagkilala sa iisang Diyos, pagpapahayag ng iisang pananampalataya, ipinanganak sa iisang Pagbibinyag, binubuo ng iisang Katawan, binibigyang-buhay ng iisang Espiritu, alang alang sa iisang minimithi, na ang katuparan ay ang pagpawi ng mga hidwaan.

Ang simbahan ay banal, kinikilala ng Simbahan ang Banal na Diyos bilang kanyang pinagmulan; si Kristo bilang kanyang katipan at nagpabanal sa kanya; at kabanalan ng Espiritu. Bagama’t binubuo ng mga makasalanan, ang Simbahan ay nananatiling hindi makasalanan. Ang kanyang pagkabanal ay higit na namamalas sa pamamagitan ng mga santo at sa kapurihan ni Maria.

Katoliko ang Simbahan sa pagpapahayag ng pananampalataya. Taglay niya ang lahat ng pamamaraan ng kaligtasan. Isinusugo siya sa buong sangkatauhan, nagwiwika sa lahat ng mga tao, sa lahat ng panahon. Likas sa kanya ang pagiging “misyonero.”

Apostoliko ang Simbahan dahil nakasandig ito sa matibay na pundasyon na itinatag ng 12 apostoles. Pinamumunuan siya ni Kristo sa pamamagitan ni Pedro at ng iba pang mga apostoles, kasama ng lahat ng nagpapatuloy ng misyon ni Hesus—ang Santo Papa at ang Lupon ng mga Obispo.

I confess one baptism for the forgiveness of sins.

Iniugnay ng Panginoong Hesukristo ang kapatawaran ng mga kasalanan sa pananampalataya at pagbibinyag.

Ang pagbibinyag ay ang una at pangunahing sakramento ng pagpapatawad ng mga kasalanan sapagkat tayo ay ipinagkakaisa kay Kristo, na Siyang namatay dahil sa ating mga kasalanan at nabuhay na mag-uli para sa ating kaligtasan, upang “tayo rin ay tumahak sa landas ng bagong buhay.”

Ngunit sa kabila ng biyaya ng pagbibinyag, kailangan pa rin natin ng kaligtasan dahil sa likas nating kahinaan na siyang nagdadala sa atin sa kasamaan.

Kung kaya, higit sa pagbibinyag, kailangan ng Simbahan ang kapangyarihan ng pagpapatawad ng mga kasalanan upang gawaran ng kapatawaran ang lahat ng mga nagsisi. Ang kapatawaran ang siyang nagsisilbing susi upang tanggapin sila sa Kaharian ng Diyos.

Sa pamamagitan ng sakramento ng pangungumpisal, nanunumbalik ang kaugnayan ng bininyagan sa Diyos at sa Simbahan.

Sanggunian: Ang maikling katesismong ito ay hango sa mga inihalaw na ba-hagi mula sa Catechism of the Catholic Church ( mula sa www.vatican.va) na isinalin sa Filipino mula sa wikang Ingles.

No comments: